where stories find home


Welcome to Balé—where stories find home.
This is a house built of quiet words, moonlit letters, and the memories we carry across time and distance. Rooted in heritage and nurtured by wonder, Balé is a gathering space for poetry, travel reflections, cultural memory, and slow storytelling. Whether you’ve come here to read, remember, or return to something once lost—this is your place, too.
Welcome home.

Ferris Wheel


Seattle Waterfront. 06-14-2025

Hindi iisang beses kong

hinabol sa aking gunita

ang ganitong tagpo:

ikaw at ako

masaya tayong kumakain ng popcorn

nakasakay tayo sa ferris wheel

tapos aakbayan mo ako

kapag nasa pinaka mataas na tayo

hahawakan mo ang kamay ko

saka ka ngingiti

sa gitna ng hiyawan

sabay nating maririnig ang tibok

ng ating mga puso

Hindi iisang beses kong hinabol

sa gunita ko

kung paano ka nila kinuha

sa akin

kung paanong sapilitan kang

pinasok sa sasakyan

at hindi na muli pang

natagpuan

Ayaw kitang makalimutan

at ayaw kong bitawan ang iyong mga alaala

kaya ang ginagawa ko ay ikinukwento kita

ikinukwento kita sa mga kakilala

ikinukwento kita sa mga kapitbahay

ikinukwento kita kay nanay, kay tatay, kay bunso

ikinukwento kita maging sa hindi kakilala

ikinukwento kita at ang sandaang mga bagay

na naaala at nagpapa-alala sa akin tungkol sa’yo

dahil ayaw kitang makalimutan

at ayaw kong bitawan ang iyong mga alaala

Kinukwento ko kung paano tayo nagkakilala

ika-28 ng Hunyo tatlong taon na ang nakakaraan

galing ako sa eskwela, maulan

at tulad ng dati ay wala na naman akong dalang payong

lakad’ takbong naghahanap ako ng masisilungan,

sa isip ko, bahala ng basa ang sapatos huwag lang ang mga notebook sa bag

sa puntong iyon ay dumating ka, dumating ka kasabay ng pag-ulos ng ulan

sabi mo, “ tara, sabay ka na sa may sakayan.”

at doon, kasabay ng buhos ng ulan ay bumuhos din lahat

ng nagtatagong pakiramdam sa loob ko.

Ayaw kitang makalimutan

at ayaw kong bitawan ang iyong mga alaala

kaya ang ginagawa ko ay ikinukwento kita

ikinukwento kita sa mga kakilala

ikinukwento kita sa mga kapitbahay

ikinukwento kita kay nanay, kay tatay, kay bunso

ikinukwento kita maging sa hindi kakilala

ikinukwento kita at ang sandaang mga bagay

na naaala at nagpapa-alala sa akin tungkol sa’yo

dahil ayaw kitang makalimutan

at ayaw kong bitawan ang iyong mga alaala

Nakasakay ako ngayon

sa ferris wheel. Kumakain ng popcorn

wala ka na

para umakbay sa akin

para hawakan ang kamay ko

para ngumiti

at sabayan ang pagtibok ng puso ko

wala pa rin akong dalang payong

dahil umaasa akong ihahatid kang muli

ng ulan sa akin.



Leave a comment